QUEZON CITY, Philippines — Sinaksihan ni Pangulong Benigno Aquino III ang pag-turnover ng mga bagong firetruck at patrol jeeps sa Philippine National Police sa Quezon Memorial Circle nitong Lunes ng umaga.
Sa kanyang talumpati, hindi niya naiwasang ikumpara ang dinatnang kalagayan ng mga bumbero at pulis noong siya ay maupo bilang president noong 2010.
Muli rin niyang kilnuwestiyon ang nagdaang administrasyon sa halaga ng procurement ng mga firetruck noon.
“Kulang na ang fire trucks, karamihan pa sa mga tangan natin na lumang luma at karag karag, siyempre dulot nito palyadong serbisyo na higit na nailalapit sa peligro ang ating mga boss,” pahayag ni Pangulong Aquino.
Kaya naman aniya nagsumikap ang kanyang administrasyon na mabigyan ng maayos na pasilidad at gamit ang PNP at BFP upang maging mas epektibo ang pagganap sa kanilang trabaho.
“Ang gusto ko pong idiin sa lahat ng ito: Kita ang layo ng ating narating para sa AFP at PNP dito sa Daang Matuwid.”
Dagdag pa ng Pangulo, “Tapos na nga po yung panahong ‘bahala kayo sa buhay ninyo’. Ngayon, talagang binibigyang lakas na kayo ng gobyerno para tuparin ang inyong mandato.”
Kabuuang 135 na mga bagong unit ng firetrucks ang ipinamahagi ng Pangulo sa mga lungsod at munisipalidad.
Bukod pa ito sa second batch na naipamahagi na noong nakaraang taon at sa third batch na 155 units na fire engines na nai-turn over na rin noong February 19.
Kabuuang 469 units na nagkakahalaga ng 2.5 billion pesos, pinakamalaking na-procure ng Bureau of Fire Protection.
Samantala karagdagang 144 na bagong patrol jeeps ang itinurnover sa Philippine National Police.
Bahagi ito ng 186 units na repeat order mula sa natipid sa pagbil ng 1,470 patrol jeeps sa ilalim ng Capability Enhancement Program Fund ng 2011 hanggang 2013.
“Magandang pagkakataon po ito, dahil kasalukuyan po nating pinaiigting ang police presence and focus police operations ngayong election period,” pahayag ni PNP Chief P/DG Ricardo Marquez. (NEL MARIBOJOC / UNTV News)
The post Turnover ceremony ng mga bagong firetruck at police patrol jeep, pinangunahan ni Pangulong Aquino appeared first on UNTV News.