CEBU, Philippines — Abala na ang Department of Energy (DOE) sa paghahanda para sa nalalapit na halalan sa May 9.
Ito ay upang matiyak na sapat ang supply ng kuryente sa power grids sa bansa sa kabila ng mataas na demand ng consumers sanhi ng mainit na panahon.
Pahayag ni Department of Energy Sec. Zenaida Monsada, “Tanang planta dapat magdagan sa election day, one week before and one week after kay para ang preparasyon mahimu ug pagcanvassing mahimu, pagtransmit mahimu.”
(Lahat ng planta kailangan umaandar sa election day one week before and one week after para ang paghahanda magawa, at ang canvassing magawa, pagtransmit magawa.)
Sa ngayon ay nasa yellow alert ang Visayas grid dahil sa kakulangan ng power reserve.
Nasa preventive maintenance rin ang ilang planta kaya mababa ang nakukuhang supply.
Ayon sa DOE, sumailalim na sa maintenance ang mga planta ngayon upang fully-operational na ito pagsapit ng halalan.
Tiniyak naman ng Visayan Electric Company (VECO) na maibabalik na sa green alert ang Visayas grid bago matapos ang buwan ng Abril.
Sabi naman ni Atty. Jill Verallo ng Visayan Electric Company, “Karun gahurut jud ta, massive atung maintenance para by the time na two weeks prior the election okay na gyud ta… two weeks before the election and one week after the election kay napa manay counting we will not do maintenance, the only interruption you’ll have is in case there is an emergency.”
(Ngayon, inuubos talaga natin ang lahat, massive ang ating maintenance para by the time na two weeks prior the election okay na talaga tayo…the only interruption you’ll have is in case there is an emergency.)
Maglalagay rin ang VECO ng 18 mobile crews upang magbantay sa mga pasilidad sa araw ng eleksyon.
May 5-KiloWatt standby mobile generators rin silang ilalagay sa strategic locations bukod pa sa feed ng power generation companies sakaling magkaroon ng brownout.
(GLADYS TOABI / UNTV News)
The post Sapat na supply ng kuryente sa araw ng halalan, tiniyak ng DOE appeared first on UNTV News.