Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Pansamantalang pagpapatigil sa dagdag singil sa kuryente sa Mayo, iginiit ng mga consumer group

$
0
0
Nagsagawa ng kilos protesta ang grupong Freedom from Debt Coalition sa harap ng tanggapan ng ERC upang hilingin na pag-aralang mabuti ang mga nakaambang dagdag singil.

Nagsagawa ng kilos protesta ang grupong Freedom from Debt Coalition sa harap ng tanggapan ng ERC upang hilingin na pag-aralang mabuti ang mga nakaambang dagdag singil.

PASIG CITY, PHILIPPINES — Patong-patong na dagdag singil sa kuryente ang naka-ambang ipatupad ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga susunod na buwan.

Kabilang dito ang feed in tariff, ancillary charges at generation charge.

Nais ng mga consumer group na magpatupad ang Energy Regulatory Commission (ERC) ng moratorium sa lahat ng mga dagdag singil.

Subalit ayon sa ERC, tuloy na tuloy na ang mga dagdag singil.

Ang ancillary charges na ipinagpaliban ang pagpapatupad sa Mayo ay ipapataw na sa buwan ng Hunyo.

Ito ay ang binabayarang serbisyo ng mga consumer upang mapanatiling maayos ang supply ng kuryente.

“Sa aming pakikipagusap sa ahensya na mag-implement ng adjustment, kakailanganin nila ng oras para maisakatuparan ang mga billing system at format adjustments. Ang mangyayari baka sa June pa ma-reflect ang ancillary adjustments,” paliwanag ni Rexie Digal, spokesperson ng ERC.

Ang feed in tariff naman ay maisasama na sa bill ng mga consumer ngayong buwan habang dagdag singil naman sa generation charge na dulot ng mainit na panahon ang nakaamba sa Mayo.

Maging ang dagdag singil mula sa mga interruptible load program o ILP participants ay sisingilin rin ng Meralco sa mga consumer.

“Historically pagpasok ng Abril at Mayo, trajectory is upward movement in rates coupled with the very intense weather condition that we are experiencing as the heat index continuous to rise this past few days and expected to rise further,” pahayag naman ng tagapagsalita ng Meralco na si Joe Zaldarriaga.

Bunsod nito, isang kilos-protesta ang isinagawa ng grupong Freedom from Debt Coalition (FDC) sa harap ng tanggapan ng ERC upang hilingin na pag-aralang mabuti ang mga nakaambang dagdag singil.

Ayon sa FDC, tila hindi ginagawa ng ERC ang kanilang mandato na protektahan ang kapakanan ng mga consumer.

“Nakikita natin ang sobrang kapabayaan niya (ERC). Supposed to be regulatory power siya pero hanggang ngayon hindi niya nagagamit ang kanyang kapangyarihan,” saad ni Erwin Puhawan, Power Corrdinator ng FDC.

Ang consumer group na Citizen Watch, nais namang maglabas ng transparent na ulat mula sa Department of Energy (DOE).

“Kailangang maging transparent po talaga ang mga energy stakeholders na kung saan sabihin na nila kung may expected na energy o power crisis para po as early as now makita at masolusyunan kung ano pa pwede gawin,” sabi ni Citizen Watch Secretary General Wilford Will Wong.

Nitong mga nakaraang linggo ay madalas nagkakaroon ng kakulangan sa reserve sa kuryente at nangangahulugan ito ng dagdag singil sa kuryente dahil sa iba’t ibang aspeto. Ayon naman sa DOE, mas mabuti ng magkaroon ng kaunting dagdag sa singil basta’t mayroong sapat na suplay ng kuryente.

(MON JOCSON/UNTV News)

The post Pansamantalang pagpapatigil sa dagdag singil sa kuryente sa Mayo, iginiit ng mga consumer group appeared first on UNTV News.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481