PASAY CITY, Philippines — Nanindigan si Senador Alan Peter Cayetano na hindi siya titigil sa paglantad ng katotohanan sa likod ng umano’y ill-gotten wealth ng Pamilya Marcos.
Ayon kay Sen. Cayetano, dapat maunawaan ni Senador Marcos na wala itong kinalaman sa eleksyon o pulitika.
Ito aniya ay tungkol sa pagsasauli ng pera ng bayan na ginamit umano ng pamilya ng senador upang payamanin ang kanilang sarili at makabalik sa kapangyarihan.
Giit pa ng senador, hindi ito political strategy dahil gagawin rin niya ito sa iba pang personalidad na nasasangkot sa isyu ng kurapsyon.
Pahayag ni Sen. Alan Peter Cayetano, “Lahat kami may common friends, kami ni Mayor (Duterte), may common friends pero when we have a debate, we have to speak the truth. So, bato bato sa langit yung tatamaan huwag magagalit.”
Pinaghandaan naman ni Senador Marcos ang ganitong hakbang ng mga kapwa kandidato lalo’t nalalapit na ang eleksyon.
“Palagay ko hindi na siguro titigil yan hanggang darating na halalan, eh. Pulitikang puro yan so nandito na tayo sa political cycle talaga,” ani Sen. Bongbong Marcos.
Ayon sa senador, hindi siya magpapaapekto sa mga sinasabi ng kapartido laban sa kanya.
“Bakit ako aalis sa NP (Nacionalista Party) lahat naman ng kasama ko sa NP wala naman kami problema at sumusuporta sa akin. Walang dahilan para umalis ako sa NP,” dagdag pa ni Marcos.
Una ng ikinagulat ng kanilang partido sa Nacionalista na nauwi sa mainit ang debate ng dalawang senador nguni’t umaasang magkakaayos rin ang mga ito matapos ang eleksyon.
“Alam mo minsan dito sa ating eleksyon sa Pilipinas, nagkakahalo na yung platform at nagkakahalo na yung personality. Hindi na minsan ma-separate yung platform sa personality, nagiging personal eh,” ani Sen. Cynthia Villar.
(BRYAN DE PAZ / UNTV News)
The post Pagbatikos ni Sen. Cayetano kay Sen. Marcos, asahang titindi pa appeared first on UNTV News.