
DUCK, COVER AND HOLD. Ganito lumabas ng kani-kanilang opisina ang empleyado at kawani ng PNP sa isinagawang simultaneous earthquake drill.
(UNTV News)
MANILA CITY, PHILIPPINES — Eksakto alas otso y medya ng umaga nang tumunog ang serena sa Kampo Crame hudyat na may 7.2 magnitude na lindol o ang “The Big One.”
Nang marinig ang serena, nagsimula nang lumabas sa kani-kanilang opisina ang nasa mahigit tatlong libong empleyado upang magtungo sa Grandstand.
Ayon kay Directorate for Operations Executive Officer P/SSupt. Ma. O Aplasca, inabot ng 10 minuto ang pagpunta ng mga empleyado mula sa mga opisina patungo ng Grandstand.
Ngunit hindi aniya perpektong nagawa ng mga empleyado ang Drop, Cover and Hold habang lumilindol.
Tatlumpu’t anim ang kunwari ay nasugatan at 3 ang namatay sa drill exercise.
Ngunit may dalawang non-uniformed personnel ang talagang nahilo dahil sa matinding init ng panahon kaya’t agad itong dinala ng ambulansya sa ospital.
Sa kabila nito, sinabi ni Chief Directorial Staff P/Ddg. Francisco Uyami na maitututing nilang tagumpay ang drill.
Binigyan ng grade na 80 ng Deputy Director ng Directorate for Police Community Relations ang earthquake drill.
Maging ang mga empleyado ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ay nakiisa rin sa drill.
Eksaktong 9 ng umaga ay tumunog ang alarm sa main building ng PAGASA sa Science Garden sa Quezon City bilang hudyat sa earthquake drill.
Ang earthquake drill ay ginawa magkakasabay ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kaninang umaga.
(LEA YLAGAN/UNTV NEWS)
The post Ilang kompanya at ahensiya ng pamahalaan, nakilahok sa isinagawang simultaneous earthquake drill appeared first on UNTV News.