PASIG CITY, Philippines — Muling binuksan ng Department of Education (DepEd) ang pagtanggap sa aplikasyon ng lahat ng mga senior high school na nagnanais na makakuha ng voucher program.
Ang voucher program ay isang proyekto ng DepEd kung saan bibigyan ng pinansyal na tulong ang mga estudyanteng nakapagtapos ng junior high school upang makapagaral ng senior high school sa School Year 2016-2017.
Layunin ng programa na mabigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na makapili ng eskwelahan o academic track sa senior high school na naaayon sa kanilang kakayahan at interes.
Sa pamamagitan ng voucher, bibigyan ng discount ang isang estudyante para sa kanyang tuition fee at iba pang school fees para sa senior high school.
Bukas ang pagtanggap ng aplikasyon hanggang sa May 6 habang ang resulta naman ng mga maaaprubahan ay nakatakdang ilabas ng DepEd sa darating na May 20, 2016.
Giit ni DepEd Secretary Armin Luistro, ito na ang huling deadline na itatakda ng kagawaran at hindi na maglalagay ng anumang extension.
Para sa mga may katanungan, maaring tumawag sa DepEd Action Center sa 636-1663 o sa 633-1942.
Maaari ding bisitahin ang kanilang website sa gastpe@deped.gov.ph
(JOAN NANO/UNTV NEWS)
The post DepEd, tumatanggap na muli ng application sa voucher program appeared first on UNTV News.