QUEZON CITY, Philippines — Kahit hindi hiniling ng Commission on Elections (COMELEC), magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang PNP Anti-Cybercrime Group kaugnay sa hacking sa website ng poll body.
Ayon kay PNP PIO Chief PCSupt. Wilben Mayor, kusang loob na tutulong ang anti-cybercrime group dahil standard operating procedure na umaksiyon kahit na walang formal complaint.
Sinabi pa ni Mayor na sa ngayon, nakita na ng ACG ang na-hack na website at naging problema dito.
Makikipagtulungan din ang ACG sa mga IT expert ng COMELEC upang ma-trace ang ibang hackers.
Balak din ng PNP na magbigay ng serbisyo at suhestyon sa COMELEC upang mapatibay ang proteksyon ng website nito.
Dahil na-expose na ang impormasyon ng maraming botante, sinabi ng heneral na dapat na magtulong-tulong ang mga ahensya ng gobyerno sa imbestigasyon at sa pagpapatupad ng batas para maayos ang problema at hindi makompromiso ang eleksyon.
Iginiit ng PNP na mananagot sa batas, partikular sa Anti-Cybercrime Law, ang hackers lalo’t government property ang pinakialaman ng mga ito.
Mensahe ng PNP sa hackers, kung nais na ipakita ang talino ay mag-volunteer upang tumulong at huwag sa paraang manira ng website para lamang ipakita ang kahinaan ng isang ahensiya ng gobyerno.
Ayon kay Mayor, panahon na upang lalong patibayin sa pamamagitan ng paglalagay ng security features ang lahat ng website ng pamahalaanupang hindi ma-hack at mapakialaman ng sinoman.
(LEA YLAGAN/UNTV News)
The post PNP, magsasagawa ng sariling imbestigasyon sa na-hack na website ng COMELEC appeared first on UNTV News.