Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Mga naipatupad na proyekto sa loob ng anim na taong panunungkulan, ibinida ni Pang. Aquino

$
0
0
Nagtalumpati si Liberal Party chairman Pres. Benigno S. Aquino III sa isang pagtitipon kasama ang mga local leaders na isinagawa sa Muntinlupa Sports Center sa Barangay Tunasan, Muntinlupa City kahapon (April 28). (Photo by BenHur Arcayan / Joseph Vidal/ Malacañang Photo Bureau)

Nagtalumpati si Liberal Party chairman Pres. Benigno S. Aquino III sa isang pagtitipon kasama ang mga local leaders na isinagawa sa Muntinlupa Sports Center sa Barangay Tunasan, Muntinlupa City kahapon (April 28).
(Photo by BenHur Arcayan / Joseph Vidal/ Malacañang Photo Bureau)

MUNTINLUPA CITY, Philippines — Puspusan na ang ginagawang pag-iikot ni Pang. Benigno S. Aquino III sa nalalabi niyang dalawang buwan sa puwesto.

Kagabi, sa Muntinlupa City naman siya dumalaw upang magpaalam sa ating mga kababayan.

Ibinida rin ng Pangulo ang mga proyektong naipatupad sa ilalim ng anim na taon niyang panunungkulan gaya ng PhilHealth packages at ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Ipinagmalaki rin ng Pangulo ang mga naitayong imprastraktura at mga proyektong sisimulan pa sa ilalim ng Private-Public Partnership Program.

“‘Yung North-South Railway project ay magkakaroon ng tatlong istasyon sa Muntinlupa City, Sucat at Alabang(…)Bahala na po ‘yung papalit sa akin. Siya na po mag-inaugurate,” bahagi ng talumpati ng Pangulo.

Muli ring pinasaringan ni Pang. Aquino ang mga presidential candidate na dati ay bumabatikos sa mga proyekto ng pamahalaan ngunit ngayon ay isinasama na ito sa kanilang plataporma-de-gobyerno.

“Noong 2013, tinutuligsa ng anak niya. Ngayon, ang mensahe niya, ‘yang 4Ps gagawin kong 5Ps at pag ginawa kong 5Ps, babawasan ko buwis niyo. Noong marinig ko ‘yun, sabi ko, grabe naman ‘tong tao na ito,” mariing pahayag ng Pangulo.

Pati ang plano ng isang presidential candidate sa pag-resolba sa territorial dispute sa West Philippine Sea ay binatikos rin ng Pangulo.

“May problema tayo sa West Philipine Sea. Ang katapat natin malaki ekonomiya, dambuhala ekonomiya, dambuhala ang kaniyang pwersa-militar. Kaya ang solusyon, awayin natin ang kakampi natin. Makakatulong kaya ‘yun? Meron bang trabaho na malilikha sa kada mura na ginawa mo? Meron bang makakapag-aral ng tama kung puro away ang hinahabol mo? Syempre, matututo ‘yung mga bata na manonood ng ganon gagyahin niya ‘yung maling asal,” patutsada ng Pang. Aquino sa isang presidentiable.

Sa huli, muling ikinampanya ng Pangulo sa mga botante na piliin ang mga kandidatong magpapatuloy sa ipinatupad na programa at reporma sa pamahalaan.

(SHERWIN CUBULONG/UNTV News)

The post Mga naipatupad na proyekto sa loob ng anim na taong panunungkulan, ibinida ni Pang. Aquino appeared first on UNTV News.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481