Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Ikalawang suspek sa pag-hack sa COMELEC website, naaresto na ng NBI

$
0
0
Hawak na ng NBI ang isa sa tatlong suspek sa pangha-hack ng COMELEC website na si Jonel de Asis. (UNTV News)

Hawak na ng NBI ang isa sa tatlong suspek sa pangha-hack ng COMELEC website na si Jonel de Asis.
(UNTV News)

PASAY CITY, Philippines — Hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ikalawang hacker na suspek sa pananabotahe sa COMELEC website nitong nakalipas na buwan.

Kinilala ng NBI ang naarestong suspek na si Jonel de Asis, 23-anyos, isang I.T. graduate ng Technological University of the Philippines (TUP).

Naaresto si de Asis sa kanilang bahay sa Muntinlupa City kagabi matapos magpatupad ng search warrant ang NBI.

Nakumpiska kay de Asis ang laptop na naglalaman ng nasa 340 gigabytes ng data na ninakaw sa COMELEC website.

Ayon sa NBI, inamin ni de Asis na siya si Lulzec at siya ang nag-upload ng mga ninakaw na data sa internet.

“On-going ‘yung forensic examination natin pero may nakita na kami na link doon sa mga information na nanggaling sa COMELEC,” pahayag ni Deputy Chief Vic Lorenzo ng NBI Cybercrime Division.

Una nang naaresto ng NBI noong isang linggo ang I.T. graduate na si Paul Biteng na suspek din sa pananabotahe sa website ng COMELEC.

Sina Biteng at de Asis ang itinuturing na pangunahing suspek sa hacking incident.

“Nais po naming pasalamatan ang NBI dahil sa pagkahuli ng pangalawang hacker. At itong hacker na ito ang siyang talagang naglabas ng data ng COMELEC,” pahayag ni COMELEC Chairman Atty. Andres Bautista.

Nais lamang umanong patunayan ng dalawa na madaling pasukin ang website ng COMELEC ngunit tinitingnan na rin ng NBI ang posibilidad na naibenta ang ninakaw na mga impormasyon ng mga botante.

Iniimbestigahan na rin ng bagong tatag na National Privacy Commission ang insidente upang alamin ang lawak ng data leak at magabayan ang mga Pilipino na huwag mabiktima ng mga masasamang-loob na posibleng gumamit sa kanilang mga personal na impormasyon.

Nagbabala naman ang NBI sa mga gagamit ng nakaw na impormasyon mula sa COMELEC na posible silang maharap sa kaukulang kaso.

“Certainly, we will be able to identify you, sooner or later. So, iwasan niyo po na– you will be the subject po. Follow operation ng NBI,” babala ni NBI Director Virgilio Mendez.

Sasampahan ng NBI ng paglabag sa Anti-Cybercrime Law si de Asis habang pinaghahanap naman hanggang sa ngayon ang ikatlong suspek.

(RODERIC MENDOZA/UNTV News)

The post Ikalawang suspek sa pag-hack sa COMELEC website, naaresto na ng NBI appeared first on UNTV News.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481