Nagsimula na ring magpaalam sa mga opisyal ng Philippine Information Agency si Sec. Herminio ‘Sonny’ Coloma Jr. bilang pinuno ng Presidential Communications Operations Office ng Malacañang.
Si Sec. Coloma ay co-terminus ni Pang. Benigno Aquino III na bababa na rin sa puwesto ngayong June 2016.
Sa kanyang pagdalo sa turnover ceremony ng bagong Regional Director ng Philippine Information Agency Calabarzon sa Laguna, sinabi ni Sec. Coloma na sa loob ng anim na taon niyang paninilbihan ay marami siyang natutunan at naranasan bilang kalihim ng presidente.
Plano ni Coloma na muling bumalik bilang propesor sa Asian Institute of Management at magbakasyon kasama ng kaniyang pamilya kapag natapos na ang kaniyang termino sa June 30.
Ayaw namang kumpirmahin ni Sec. Coloma kung tatanggapin ang alok na manungkulang muli sa pamahalaan sakaling manalo ang tambalang Mar Roxas at Leni Robredo sa darating na botohan.
Ngunit tiniyak niyang hindi siya papasok sa pulitika sakaling bumalik na sa kaniyang pribadong buhay.
Sa ngayon, plano rin ni Coloma na gumawa ng isang libro na naglalaman ng kaniyang naging karanasan bilang sekretarya ng pangulo sa loob ng anim na taon.
“Isa sa gusto kong isulat ‘yung aking dissertation on a spirit-driven organization. Tapos ‘yung compilation ng mga sinulat kong column,” dagdag pa ni Coloma.
(SHERWIN CULUBONG/UNTV News)
The post Sec. Coloma, nagpaalam na bilang pinuno ng PCOO appeared first on UNTV News.