CAMP AGUINALDO — Nakatakda nang itaas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang alert level ngayong weekend para sa isasagawang halalan sa Lunes, Mayo 9.
Oras na maisagawa ito, kakanselahin na ang pass at leave of absence ng sinumang tauhan ng militar.
“We will, soon. Because we want our forces to be a hundred percent in their stations. (…) We’re leaning forward on elevating our alert levels thereabouts,” pahayag ni BGen. Restituto Padilla Jr., Spokesperson ng AFP.
Samantala, nasa desisyon na ng mga unit commander kung itataas nila sa pinakamataas na level ang alertness ng mga tropa nilang nasasakupan.
Idineploy na rin kahapon ang lahat ng mga sundalo sa kani-kaniyang assignment. Ganoon din ang mga angkop nilang kagamitan bilang pagtuwang sa Commission on Elections (COMELEC) sa pagpapanatili ng maayos at mapayapang halalan sa Lunes.
Mas maraming itinalagang sundalo sa mga lugar na itinuturing na election watchlist areas Category 3 o sa mga lugar kung saan matindi ang armed conflicts.
Mas maraming checkpoints din ang inilagay ng mga tauhan ng militar at sundalo sa mga ganitong lugar.
Samantala, tiniyak ng Armed Forces na hindi nila mga sundalo ang nagsasalita at nananawagan laban sa mga piling presidential candidates na naging viral sa social media websites.
“Hence, we strongly deny that these are members of your armed forces. they are not, they are impostors,” paliwanag ni Padilla.
Ipinagutos na rin ng pamunuan ng AFP na si LGen. Glorioso Miranda ang pag-iimbestiga na hanapin ang pinagmulan ng mga materyales na ito at papanagutin ang mga ito sa kanilang ginagawang panggagamit sa organisasyon.
Ngayong ilang araw na lang ang nalalabi bago ang pambansang halalan, nanawagan din ang AFP sa publiko na maging mapanuri sa mga sari-saring propagandang nagsisilabasan ngayon sa social media at tiyakin kung ang mga ito ba ay totoo o hindi.
(ROSALIE COZ/UNTV News)
The post Alert level ng AFP, itataas na ngayong weekend appeared first on UNTV News.