MANILA, Philippines – Ilang minuto bago ipahayag ni Justice Secretary Leila De Lima ang mga senador na kakasuhan kaugnay ng pork barrel scam, nagpatawag ng press conference si Senador Jinggoy Estrada.
Sa presscon, ipinahayag ni Estrada na haharapin nito ang kaso at hindi rin siya tatakas palabas ng bansa.
Si Estrada ay kabilang sa inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) sa Ombudsman na kasuhan ng plunder o pandarambong kaugnay ng pork barrel scam na inuugnay kay Janet Lim Napoles.
Ayon sa Senador, wala siyang nagawang kamalian o katiwalian sa paggamit ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Pinasinungalingan din ni Estrada ang kumalat na balita na aalis na siya ng bansa ngayong araw.
Nanindigan din ito na hindi sya nangangailangan ng tulong mula sa Senado o maging kay Senate President Franklin Drilon.
“I’m not asking help from him, kaya kong idepensa sarili ko dito.”
Ayon pa sa senador, naharap na rin siya sa isang kaso, labingtatlong taon na ang nakalilipas pero hindi niya ito tinakasan.
“I’m not going to leave the country, mangyari na ang mangyari, hindi ako aalis ng bansa, haharapin ko lahat ng ito.”
“They are conditioning the minds of the public that we are the worst thieves and that I cannot accept,” pahayag pa ni Estrada.
Sinabi naman ni Senador Bong Revilla na huwag agad silang husgahan at hindi rin nya tatakbuhan ang kaso laban sa kanya.
“Hiling ko lang sa bayan na wag kami husgahan, God knows. Haharapin ko ang kaso di ko taktakbuhan. Ang hiling ko lang kilala nyo po ako hindi ako ganun,” ani Revilla.
Ayon naman sa abugado ni Revilla na si Atty. Joel Bodegon, hindi pa man naisasampa ang kaso laban sa senador ay bakit guilty na agad ito sa mata ng publiko.
“Hindi pa man po naisasampa ang kaso laban sa kanya, guilty na sya sa mata ng publiko. Ngunit umaapela si Senator Revilla ng patas na pagtingin sa kaso. Bigyan po sana sya ng pagkakataon.”
Samantala, inamin naman ng minority bloc na isinugod sa ospital nitong nakalipas na araw si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile dahil sa alta presyon.
Tiniyak naman ng minorya na makadadalo ng sesyon si JPE kapag pinayagan ng mga doctor.
“He was rushed to the hospital the other day, madaling araw, sabado ng umaga, tumaas ang blood pressure,” pahayag ni Asst. Minority Floor Leader Sen. Vicente Sotto. (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)