DAVAO CITY, Philippines — Nanganganib na maipasara ang mga mall sa Davao City kung hindi maipatutupad nang maayos ang mga security measure.
Pasado alas-9 ng gabi, Lunes nang magkasunod na sumabog ang hinihinalang improvise explosive device (IED) sa Cinema 1 ng SM Davao at Cinema 4 ng Gaisano Mall.
Sinabi ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na maluwag ang seguridad na ipinatutupad sa mga mall kaya nalulusutan ng mga may dalang pampasabog.
“Yung movie houses must provide adequate security if you cannot provide adequate security I will close your movie house we cannot provide policemen and military to guard it you have to invest,” ani Duterte.
Sa ngayon ay wala pa ring suspek ang mga awtoridad kung ano ang motibo at sino ang nasa likod ng nangyaring mga pagsabog.
Patuloy nang nirereview ng mga pulis ang kuha ng mga CCTV camera sa dalawang mall.
Itinuturing naman ni Duterte na act of terrorism ang nangyari.
“It is when you exploded a bomb inside although yun lang ang inabot it is terrorism.”
Samantala, inabswelto naman ni Mayor Duterte ang MNLF sa pangyayari.
Aniya, pinanghahawakan niya ang naunang pahayag ni MNLF chair Nur Misuari na hindi madadamay ang Davao City sa anumang kaguluhan na nangyayari sa Zamboanga City. (Louell Requilman / Ruth Navales, UNTV News)