MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sapat ang pagkain ng mga kababayan nating lumikas dahil sa nagpapatuloy na sagupaan sa pagitan ng militar at mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Zamboanga City.
Ayon sa DSWD, umaabot na sa 16,533 pamilya o katumbas ng 82,106 indibidwal ang apektado ng sagupaan.
Nasa 13,635 pamilya naman ang kasalukuyang nanunuluyan ngayon sa may dalawampu’t siyam na evacuation center sa Zamboanga.
Ang Joaquin Enriquez ang may pinakamaraming evacuaees na umaabot ng mahigit 9-libong pamilya.
Nakipag-ugnayan na ang DSWD sa mga catering group at food service provider sa Zamboanga upang masiguro na mabilis na mabibigyan ng pagkain ang mga evacuee.
Katulong sa pamimigay ng pagkain ang ilang international organization tulad ng World Food Program.
Bukod sa DSWD at lokal na pamahalaan, nagbigay na rin ng tulong ang Department of Agriculture (DA).
Ayon sa DA, ang Zamboanga ang may pinakamalaking alokasyon ngayon ng bigas na umaabot na tatlong daang libong sako. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)