MANILA, Philippines — Sandaling nakalimutan ng buong Pilipinas ang iniwang pinsala ni Super Typhoon Yolanda sa Visayas Region habang nakikipagsagupa si Cong. Manny Pacquiao kay Mexican-American boxer Brandon Rios.
Napuno ng sigaw ng kagalakan ang convention center sa Tacloban matapos na ianunsyo ng ring announcer na si Michael Buffer na panalo si Pacquiao via unanimous decision laban kay Rios sa WBO international welterweight title fight.
Ayon sa residenteng si Jacob Mado, dahil sa laban ay pansamantala niyang nakalimutan ang nararamdamang lungkot dulot ng nakaraang bagyo.
“It’s hard to explain because, because when he’s fighting you forget, you forget something that’s happened here. You don’t feel the sadness that’s happened here. You just feel happy.”
Walang bakas ng sakit sa mukha ng mga survivor sa bawat pagtama ng suntok ni Pacquiao kay Rios.
Naniniwala ang 70-anyos na si Filemon Corro, na nawalan din ng bahay dahil kay Yolanda na nagbibigay pag-asa sa mga tao sa Tacloban ang pagkapanalo ni Pacquiao.
“His win has given strength and confidence to the people, and helped us to forget the terrible things that happened here. Everything doesn’t seem as bad now.”
Nagset-up ang lokal na pamahalaan ng mga wide screen sa tatlong lugar sa Tacloban City at isa na rito ang nasirang paliparan kung saan naka-standby ang mga foreign at local aid worker at security forces.
Ang iba, nagdagsaan sa open field mapanood lamang ang kanilang idolo. Tanging ang mga plywood, cardboard at styrofoam scrap ang ginawang panangga sa sikat ng araw.
Mayroon ding umakyat pa sa puno o jeepney, para lamang masilip ang laban ni Pacquiao.
Ayon sa typhoon survivor na si Nenita Male, “it was a good fight by Pacquiao. He fought for the typhoon victims. He fought for us. We will rise again. Pacquiao lifted us up.”
Maging sa Marikina ay dumagsa ang may dalawang libong residente sa isang public park upang matunghayan ang laban.
“All of his fights are dedicated to Filipinos. That’s one asset of Manny — because of his good heart, the Lord granted him with blessings,” pahayag ni Cecilio Digamon.
Maliban sa pagiging isang boksingero, si Pacquiao rin ang congressman ng probinsya ng Sarangani.
Taos-puso namang nagpasalamat si Pacquiao sa lahat ng mga Pilipinong sumuporta sa kanya, at nangakong bibisitahin ang ating mga kababayang naapektuhan ng bagyo. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)