MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga empleyado at opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) na may kinalaman sa pagpapalabas ng Special Allotment Release Orders o SARO.
Ayon kay Justice Secretary Leila De Lima, posibleng isa sa mga ito ang pinanggalingan ng 12 pekeng SARO para sa farm-to-market road projects na nagkakahalaga ng halos P900-million.
Bagama’t napatunayang peke ang naturang mga SARO, pareho naman ang mga detalye nito sa orihinal na mga saro na kinansela na ng DBM.
“Yes, it’s a fake SARO including the signature of an Asec, fake yun. But it contains exactly the same specifics or particulars as that of the original SARO including the date, including the SARO number, the code, the amount, etc. So mahirap isipin na walang involved na taga-loob ng DBM kasi ang pinanggagalingan ng SARO is from the DBM,” pahayag ni De Lima.
Ilang mga opisyal at tauhan na ng DBM ang nagbigay ng kanilang sinumpaang salaysay sa NBI, at may mga pinadalhan na rin ng subpoena upang tanungin tungkol sa isyu.
Ayon kay De Lima, posibleng may sabwatang nangyari sa pagpapalabas ng mga pekeng SARO.
“Kagagawan lang ba yan ng isang tao o isang grupo o sindikato? Are these isolated cases? ngayon lang ba ito nangyayari o dati nang nangyayari yan? So we are looking at a possible insidious scheme of SARO peddling.”
Base sa inisyal na imbestigasyon ng NBI, natuklasan ng DBM ang paglabas ng mga pekeng SARO matapos magtungo sa regional office ng Department of Agriculture (DA) ang isang staff ng isang kongresista sa Region 2.
Dala ng naturang staff ang isang pekeng SARO na nagkakahalaga ng P161-million para sa farm-to-market roads.
Ang DA ang nakalagay na implementing agency para sa naturang proyekto at sila dapat ang unang makatanggap ng SARO.
Ani De Lima, “yung staff daw yun ng isang congressman sa Region 2 yun ang pumunta sa Region 2 office ng DA at ipinakita yung SARO na yun. So nagtaka yung mga taga-DA Region 2 kung bakit merong ganun, that’s why nga nag-inquire sila.”
Bukod sa Region 2, may mga nagtatanong na rin umano patungkol sa SARO mula sa CALABARZON, Western Visayas at Davao Region.
Ayon pa kay De Lima, nakakaalarma ang ganitong isyu sa gitna ng kontrobersiya sa pork barrel kaya’t tinututukan ito sa ngayon ng NBI. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)