MANILA, Philippines — Ipinauubaya na ng Malakanyang sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang desisyon sa hiling ni Leyte Governor Dominic Petilla na i-extend pa hanggang Pebrero 2014 ang relief efforts sa mga sinalantang lugar ng Super Typhoon Yolanda.
Sinabi ni Presidential Communication and Operations Office Secretary Herminio Sonny Coloma Jr. na ang DSWD ang siyang nangunguna sa relief efforts sa Leyte at Samar kaya aalamin din ng Palasyo ang kasalukuyang estado ng relief operation doon.
Nauna nang ipinahayag na hanggang Disyembre na lamang ang relief efforts sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Yolanda.
Gayunman, siniguro ng Malacañang na hindi pababayaan ang ating mga kababayan sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
Ayon sa Palasyo, magbibigay pa rin ang pamahalaan ng pagkain at masisilungan kahit reconstruction at rehabilitasyon na ang konsentrasyon ngayon ng gobyerno.
“Hindi po papabayaan na magutom sila, hindi po papabayaan na mawalan sila ng masisilungan lahat po ng kanilang fundamental na pangangailangan ay matutugunan, kaya lang po ang ating atensyon ay inililipat na sa recovery and rehabilitation and reconstruction efforts,” ani Secretary Coloma. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)