MANILA, Philippines — Inatasan na ng Quezon City Regional Trial Court si dating presidente at ngayon ay Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo na sagutin ang P15 million damage suit na isinampa ng mga naulila sa Maguindanao massacre.
Ayon sa abogado ng mga complainant na si Attorney Harry Roque, mahigit isang taon din ang nakalipas bago pinayagan ang mga complainant na maihain ng libre ang kaso bilang pauper litigants.
“Na-serve na po ng summons si Gloria Arroyo, inaantay na po namin ang kanyang kasagutan at pagkatapos po niyan ay pwede nang magkaroon ng pre-trial at mga paglilitis.”
Paniwala ng mga kaanak at naulila ng massacre may pananagutan sa krimen ang dating pangulo kaya’t hinihiling nilang pagbayarin ito ng danyos.
Ang 15-million pesos na danyos ay para sa labinlimang mga biktima ng massacre.
“Naniniwala po kami na siya (Arroyo) po ay nagbulag-bulagan o di naman kaya ay talagang alam niya itong posibleng krimen na ito at wala po siyang ginawa para mapigilan ang mga nasasakdal para gawin ang krimen na ito,” saad pa ni Roque.
Base sa orihinal na kasong inihain ng mga naulila, natulungan umano ni Arroyo ang mga Ampatuan na maisagawa ang krimen matapos nitong ilabas ang Executive 546 noong 2006 kung saan ginawang legal ang pagkakaroon ng private armies.
May pananagutan din umano si Arroyo ayon sa tinatawag na command o superior responsibility.
Ani Roque, “Ang tawag po dito yung theory ng superior responsibility, na mayroon siyang kontrol sa kanyang mga tagasunod, na alam niya yung isang krimen na mangyayari, o kung di naman niya alam ay hindi niya nalaman ito dahil siya ay nagbulag-bulagan at wala po siyang ginawa para maiwasan yung krimen na nagawa.”
Ang doktrina ng superior responsibility ang ginamit na basehan upang mapanagot si General Tomoyuki Yamashita sa mga krimeng ginawa ng mga sundalong Hapones sa Pilipinas noong ikalawang digmaang pandaigdig. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)