MANILA, Philippines — Bumalik sa A Song of Praise o ASOP Music Festival ang year 1 grand finalist na si Jessa Mae Gabon bilang interpreter ng unang weekly winner sa buwan ng Disyembre.
Binigyang buhay ni Jessa Mae ang awiting “Kislap” na komposisyon ni Oliver Narag.
“Nung napakinggan ko pa lang, nagsi-sink talaga siya sa’kin. Nakaka-relate ako… actually, ‘yung pamangkin kong kasama ko na nag-eensayo, he’s four years old, kabisado niya na. Mas kabisado niya kaysa sa akin. So, ganun kaganda ‘yung kanta na nilikha niya,” pahayag ni Jessa Mae.
“Dahil pangatlo ko na po ‘to. ‘yung dalawang kanta ko mabagal. So, medyo nageksperimento po ako sa tulong po ni Doc Mon sa mga payo niya,” pahayag naman ng kompositor na si Oliver.
Tinalo ng naturang entry ang mga awiting “Ikaw Oh Dios Ang Musika Ng Buhay Ko” ni Jonathan Dela Peña sa rendisyon ni Freestyle male vocalist Joshua Desiderio at “Sa’yo” ni Angelito Castillo sa interpretasyon naman ni karaoke world champion JV Decena.
Samantala, bumilib ng husto sa mga entry ang panauhing hurado na si Sheryl Cruz sa kanyang ikatlong linggo na pagiging bahagi ng programa.
“Ang gagaling! At minsan ang hirap isipin na first time composers ‘yung sumasali kasi parang hasang-hasa na sila eh. And I for one as a singer ‘di ba? Whan I get to hear these very beautiful compositions, parang minsan gusto mo rin sana ikaw ‘yung nagi-interpret,” saad ni Sheryl.
Nais rin ng singer/actress na mapakinggan ng mas malawak na audience ang mga nadinig na entry.
“Maraming magagandang mga songs na sana mag-mainstream and hopefully one of these days talaga noh? Ah, sumabak na ang mga songs na nandito sa ASOP sa mainstream. ‘Yun ang aking wish para sa kanya, sa kanila,” pahayag pa ng aktres. (Adjes Carreon / Ruth Navales, UNTV News)