MANILA, Philippines – Inaprubahan na ngayong Martes ng Bicameral Conference Committee ang P2.264 trillion 2014 National Budget.
Ayon kay Senador Francis Escudero , chairman ng Senate panel at Committee on Finance, mula sa P2.268 trillion ay bumaba sa P2.264 trillion ang inaprubahang budget dahil hindi na kasama dito ang pork barrel ng mga mambabatas at Office of the Vice President.
“Wala nang partisipasyon ang mga mambabatas sa budget. ‘Yung CSOs, inistriktuhan namin ‘yung rule. Kapagka magbibigay ng pondo sa NGOs, savings, realignments at lump-sums, naglagay kami ng mas klarong probisyon on reportorial and utilization,” pahayag ni Escudero.
Nasa P13 billion ang NDRRM fund para sa aid, relief at rehabilitation services sa mga lugar na apektado ng nakalipas na mga kalamidad.
P500 million naman ang pondo para sa quick reaction funds para sa Department of Health (DOH), habang P1 billion naman sa DOTC para sa rehabilitasyon ng mga crucial transportation facilities.
Sa bagong special purpose fund ay may P20 billion para sa rehabilitation and reconstruction fund para sa mga lugar na napinsala ng Bagyong Yolanda, Santi, Labuyo, Vinta, Odette, Pablo, Sendong, malakas na lindol sa Visayas at Zamboanga siege.
May dagdag rin na P3 billion budget sa disaster and mitigation fund, at P80 billion sa reconstruction and rehabilitation program sa ilalim ng “unprogrammed fund”.
Mahigit P200 million din ang dagdag sa budget ng MMDA para sa disaster risk reduction, capacity building at realignment sa budget nito.
Matapos ratipikahan ng senado at kamara de representates ay isusumite na ito sa Malakanyang upang lagdaan ng Pangulong Benigno Aquino III.
Sinabi ni Senador Escudero na ang 2014 budget ay graft-resistant, at naglalaman ng penal provisions laban sa pang-aabuso.
Aniya, naging mabilis ang bicam dahil sa isinagawang konsultasyon ng mga technical staff ng kongreso ukol sa 2014 budget.
“Yung konsultasyon nagbunga para mas mabilis mapasa yung budget sa bicameral conference commit,”
Dagdag pa ni Escudero, “mabilis in the sense na, ‘yung pormal na pagdinig oo, pero ‘yung entire budget process, napakahaba. Nagsimula noong agosto at natapos lamang ngayon. (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)