MANILA, Philippines – Ipinahayag ng National Association of Electricity Consumers for Reforms, Inc. (NASECORE) na hindi makatwiran at labag sa saligang batas ang mataas na singil sa kuryente ng Manila Electric Company (MERALCO) ngayong buwan ng Disyembre.
Ayon kay NASECORE Pres. Pete Ilagan, walang katibayan o dokumento na nagbayad ang MERALCO sa power supplier nito na ginagawang dahilan ng kanilang dagdag singil sa kuryente.
Aniya, “Under Section 43F ng EPIRA sinasabi po “the rates is such as to allow recovery of just and reasonable cost.”
Dagdag pa nito, “Meron bang ipinakita ang Meralco na invoice billing ng power supplier, wala… may ipinakita ba silang resibo na nagbayad na ang Meralco, wala din…so pano natin malalaman na tama ang pagtatas?”
Sinabi pa ni Ilagan na hindi rin marapat na gawing dahilan ang mga sira sa mga planta dahil dapat ay may regular itong inspeksyon at maintenance.
“Ang maintenance dapat alam ng DOE upang masiguro niya na walang brownout, walang power outage.”
Iginiit pa ng NASECORE na dapat ay sang-ayon sa batas kung talagang hindi maiiwasan ang dagdag singil sa kuryente.
“Malinaw po sa batas ang sinasabi that DOE is mandated to ensure the stable, safe, reliable and affordable price of electricity,” saad pa ni Ilagan. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)