Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Bagong panuntunan sa Maguindanao massacre trial, ikinatuwa ng mga prosecutor

$
0
0
FILE PHOTO: Ang mag-amang Andal Ampatuan na itinuturing na mga prime suspect at mastermind sa Maguindao massacre. (UNTV News)

FILE PHOTO: Ang mag-amang Andal Ampatuan na itinuturing na mga prime suspect at mastermind sa Maguindao massacre. (UNTV News)

MANILA, Philippines – Malugod ang naging pagtanggap ng mga prosecutor sa bagong guidelines na inilabas ng Korte Suprema para sa paglilitis ng kaso ng Maguindanao massacre.

Una rito ang paggamit ng judicial affidavit sa pagtanggap ng mga ebidensiya.

Sa pamamagitan nito ay sinumpaang salaysay na lamang ang isusumite sa korte at hindi na kakailanganin na ilahad pang isa-isa ng testigo ang kanyang mga sasabihin.

Nagtalaga na rin ang Korte Suprema ng pangatlong assisting judge na hahawak sa arraignment at pre-trial-conference at sa pagdinig sa mga mosyon.

Binigyan din ng pahintulot ng Korte Suprema si Judge Jocelyn Solis Reyes na maglabas ng hiwalay na desisyon o resolusyon sa mga isyung maaari nang desisyunan.

Ito ay kahit hindi pa tapos ang presentasyon ng mga ebidensiya laban sa lahat ng mga akusado.

At higit sa lahat, binigyan ng kataas-taasang hukuman ng otorisasyon si Judge Reyes at ang tatlong assisting judge na resolbahin ang mga mosyon at petisyon kahit pa may nakabinbing apela dito sa Court of Appeals (CA).

Ayon sa private prosecutor na si Prima Jesusa Quinsayas, ito ang pinakamahalaga sa lahat ng bagong panuntunan. Karaniwan aniyang ginagamit na dahilan ng kampo ng depensa ang kanilang apela sa Court of Appeals upang huwag matuloy ang arraignment o mapigilan ang presentasyon ng ebidensiya.

Naniniwala rin ang prosecutor ng gobyerno na mapapabilis ng bagong guidelines ang paglilitis sa kaso.

Pinuri naman ni Attorney Harry Roque, abogado ng mga kaanak ng massacre ang hakbang na ito ng Korte Suprema.

Matagal na aniya nilang hinihingi ito kay Judge Reyes na magkaroon ng partial na promulgation sa ibang mga akusado na tapos na ang presentasyon ng ebidensiya.

Sinabi pa nito na sa pamamagitan ng mga bagong panuntunan ay maaari ngang matapos ang paglilitis sa kaso bago bumaba sa pwesto si Pangulong Aquino. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481