MANILA, Philippines — Pinarangalan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga sundalong nakipaglaban sa mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) na lumusob sa Zamboanga City noong Setyembre.
Bahagi ito ng Thanksgiving Day celebration ng AFP, isang araw bago ang ika-78 anibersaryo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Para sa militar, ang Zamboanga siege ang isa sa pinakamalaking accomplishment nila.
Matapos ang 17 araw na pakikipagsagupa… umabot sa 141 ang napatay na rebelde, 117 ang nahuli at 56 ang sumuko.
Ayon kay Defense Secretary Voltaire Gazmin, maliit na bilang lang ang nasawi sa mga sundalo at nailigtas ang mga binihag na sibilyan.
Kasama din sa pinarangalan si Zamboanga City Mayor Maria Isabel Climaco Salazar na malaki din ang naitulong para matapos ang gulo sa lungsod.
Pinarangalan din ng AFP ang Chief Executive Officer ng UNTV at BMPI na si Mr. Public Service Kuya Daniel Razon dahil sa kontribusyon nito sa oplan bayanihan ng sandatahang lakas.
Isinasahimpapawid sa UNTV at UNTV-Radio ang mga programa ng AFP.
Ang pagkilala ay tinanggap ni UNTV Vice President for Administration Gerry Panghulan. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)