MANILA, Philippines — Mas malaking remittances ang inaasahan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na magmumula sa mga OFW ngayong taon.
Noong 2012, halos nasa P21 billion ang ambag ng mga OFW sa ating ekonomiya.
Ayon kay OWWA Deputy Administrator Josefino Torres, tinatayang mahigit pa dito ang maiko-contribute ng mga OFW ngayong 2013.
Itoy dahil sa nakita nilang pagpasok ng dolyar mula sa mga OFW dahil sa sunod-sunod na mga kalamidad na nangyari sa bansa.
“Mas malaki. Talagang yung nagpapadala ng kanilang pondo, marami sa kanila ay dinoble para sa kanilang mga kamaganak na sinalanta ng super typhoon at 7.2 magnitude earthquakes sa Bohol,” pahayag ni OWWA Deputy Administrator Josefino Torres.
Kaya naman ipinagpapatuloy ng ahensya ang tradisyunal na pagsalubong sa mga balik-bayang nais magbakasyon at makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay ngayong buwan ng Disyembre.
Ito ay bilang pagkilala na rin sa ating mga bagong bayani dahil sa kanilang mga naiambag sa ekonomiya ng bansa.
Dahil dito, binuksan ng OWWA sa Pasay City ang Balik-Manggagawa center para sa maginhawang pagkuha ng overseas employment certificate.
Ayon kay Torres, maipo-proseso dito ang mga kinakailangang dokumento sa POEA, OWWA, Philhealth, at PAGIBIG.
“Napakahalaga ng bawat araw at sandali na kapiling nila ang kanilang pamilya. Wag nang magtiyaga ng init sa pagpoproseso sa OEC. Talagang mas mabilis dito at hindi ka na pipila, may cueing dito pero maikli,” pahayag nito.
Nais ng OWWA na maramdaman ng ating mga kababayan na nagsasakripisyo sa labas ng bansa ang patuloy na pangangalaga ng gobyerno. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)