ZAMBOANGA CITY, Philippines — Sa bisa ng isang kautusan na inilabas ng city government ay tuluyan nang ipinagbabawal ang pagtitinda at paggamit ng paputok sa Zamboanga City.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), layunin ng kautusan na maiwasang magkaroon ng kalituhan sa panig ng mga awtoridad at sibilyan lalo na’t may mga lumalabas na ulat na umano’y panibagong banta sa seguridad ng probinsya.
Mahihirapan umano sila sa pag-identify kung ito’y mula lamang sa isang ordinaryong firecracker o mula sa isang baril.
Ayon kay SPO2 Alexander Mabalot, tagapagsalita ng PNP-Zamboanga, para din ito sa kapakanan ng mga mamamayan lalo na ang mga na-trauma noong nakaraang Zamboanga siege.
Maaari aniyang magbalik sa alaala ng mga ito ang nangyaring kaguluhan kapag nakakarinig sila ng maraming putok dahil sariwa pa ito sa kanilang isipan.
Ayon sa PNP, mahaharap sa kaukulang kaso ang sinomang lalabag at magtitinda pa rin ng paputok sa kabila ng umiiral na batas ukol dito.
Samantala, may mga miyembro naman ng bomb squad ang nag-iikot sa buong siyudad lalo na sa mga pier, paliparan at terminal upang maiwasan ang mga untoward incident na maaring maganap lalo na ngayong panahon ng bakasyon. (Dante Amento / Ruth Navales, UNTV News)