MANILA, Philippines – Bukod sa mga biktima ng paputok at ligaw na bala, ilang insidente rin ng sunog, karahasan at aksidente sa lansangan ang naitala sa buong magdamag.
At sa pagbabantay ng buong pwersa ng UNTV News and Rescue Team sa iba’t ibang bahagi ng bansa, naitala ang kaso ng sunog sa bahagi ng Libertad sa Pasay City kung saan sampung bahay ang naabo.
May isinugod din sa ospital matapos mabiktima ng pananaksak, habang dalawa naman ang nasawi at tatlo ang sugatan sa nangyaring pamamaril sa Caloocan City.
Ilang biktima rin ng aksidente sa lansangan ang tinulungan ng UNTV News and Rescue Team partikular ang motorcycle riders na naaksidente sa Quezon City at Bacolod, pati na ang dalawang nasaktan sa isa pang vehicular accident sa Cebu.
Isa ring nabiktima ng pamamaril sa Muntinlupa ang nilapatan ng pang-unang lunas ng UNTV rescuers saka inihatid sa ospital.
Magdamag ring bukas ang UNTV Clinic ni Kuya kung saan ginamot ng mga volunteer doctor ang isang naputukan ng pla-pla sa mukha.
Ang UNTV News and Rescue ay bukas sa lahat ng mga nangangailangan ng tulong, at para sa emergencies, maaaring tumawag sa numerong 441-8688 at 544-0321; mobile numbers 0938-803-0777, 0926-633-5744 at 0923-416-1377. (Benedict Galazan / Ruth Navales, UNTV News)