MANILA, Philippines — Pumalo na sa 993 ang bilang ng fireworks related injuries na naitala ng Department of Health (DOH) sa pagsalubong sa 2014.
Ayon kay DOH Spokesman Asec. Eric Tayag, mas mataas ito kumpara sa 931 ng nakaraang taon.
“Baka umabot pa ng isang libo yan sapagkat tumatanggap pa kami ng delayed reports. At dahil sa Jan.3 mataas yan, ang ibig sabihin nyan bago tayo matapos ng bilangan sa Jan.5, definitely mas marami ang naputukan ngayong taon.”
Sa 933, dalawa ang nakalulon ng paputok, umakyat naman sa 17 ang tinamaan ng ligaw na bala at 914 ang naputukan.
Sa mga biktima, 326 o 36% ang passive case o mga nahagisan lamang at hindi talaga sila ang nagpaputok.
Sa naturang bilang, 229 o 25% ay pawang mga bata na hindi tataas sa sampung taong gulang.
Samantala, umabot naman sa 136 ang naitalang eye injuries, habang 22 ang na-amputate o naputulan ng parte ng katawan.
Pinakagrabe dito ang 11-anyos na batang lalaki sa Balong-Balong, Quezon City na naputulan ng dalawang kamay.
Ani Tayag, “Ito ay dahil sa pumulot sya ng akala nya ay hindi pa sumabog na mga paputok. Hindi po piccolo, dinampot ng bata.”
Bagama’t mas mataas ang bilang ng mga naputukan ngayong taon, karamihan naman ng datos ay mild cases lamang ayon sa DOH.
Ayon kay Tayag, bunga ito ng takot sa paggamit ng malalakas na paputok subalit dumami naman ang gumamit ng iligal na piccolo.
“Kasi nga kahit maliit sya, sya ay nakadisgrasya. Ang nangyari po rito ay maaring nakuha nilang libre yung piccolo o dahil sa napakamura po nito at hindi kailangan ng posporo,mas marami po ang na-enganyo. Many were tricked in using piccolo mindless of danger it post to those who will use it,” saad pa nito.
Upang maiwasan ang muling paglobo ng bilang ng mga nasugatan sa susunod na taon… ayon sa DOH, patuloy nilang isusulong ang kampanyang “just watch and do not touch” approach kung saan community based fireworks show na lamang ang gagawin. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)