MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ang kumakalat ngayon sa social networking sites na isang bagyong kasing lakas ni Yolanda ang magla-landfall sa bansa sa Enero 16, Huwebes.
Ayon sa PAGASA, may malaking kaulapang namumuo apat na libong kilometro ang layo sa Pilipinas, ngunit malaki ang porsyento na hindi ito mabuo bilang isang malakas na bagyo.
Base sa datos at real time satellite image ng PAGASA, hindi pa makikita ang sinasabing low pressure area dahil lubha pa itong malayo sa bansa.
“Wala pang data sa atin na nagsasabi na magiging Yolanda part 2. Pangalawa malabong mangyari sa ngayon itong LPA na magiging bagyo, malayo pa na masabi, sa ngayon may lpa nga sa labas ng PAR around 3k to 4k east ng Mindanao,” pahayag ni Aldczar Aurello, Weather Forecaster.
Pinabulaanan din ng PAGASA ang petsang January 16 kung kailan tatama umano ang isang super bagyo sa Visayas at Southern Luzon.
Ayon sa PAGASA, masyado pang maaga upang ibigay ang eksaktong landfall date at landfall projection nito.
Ipinaliwanag din ng PAGASA na makararanas ng mas malamig na panahon ang bansa, at isa sa nakapagpapahina sa lakas ng isang bagyo ay ang malamig na klima.
Paliwanag ni weather forecaster Aldczar Aurello, “Kapag panahon ng amihan, halimbawa bagyo napasukan ng malamig na hangin hihina ang bagyo, o kaya LPA napasukan ng malamig na hangin mababawasan strength niya at malulusaw.”
Sa kabila nito, hindi pa rin daw dapat maging kampante ang mga tao, mas makakabuti na habang maganda ang panahon ay umpisahan ng maghanda sa pamamagitan ng pagkukumpuni sa bahay at pagsasaayos ng drainage system. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)