MANILA, Philippines — Balik-eskwela na rin ngayong araw ang mga mag-aaral sa Tacloban City at iba pang lugar sa Eastern Visayas, dalawang buwan matapos manalasa ang Bagyong Yolanda.
Ito ay kahit hindi pa ganap na naaayos ang mga paaralan na winasak ng kalamidad.
Ayon sa Department of Education, puspusan na ang ginagawang paghahanda para sa pagbabalik-eskwela ng mga estudyante ngayong araw sa tulong na rin ng United Nations Chilren’s Fund (UNICEF).
Sa Twitter account ng DEPED, ipinakita nito ang mga larawan ng mga tent ng UNICEF na magsisilbing silid-aralan hangga’t hindi natatapos ang pagtatayo ng mga nasirang gusali.
Muli ring nanawagan ang DEPED sa mga nabiktima ng bagyong Yolanda na papasukin sa eskwela ang kanilang mga anak upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.
Isa rin itong paraan upang matulungan ang mga bata sa stress at trauma management dulot ng naranasang trahedya. (UNTV NEWS)