Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Pagbibigay ng “emergency powers” sa pangulo, tinutulan ng Makabayan bloc

$
0
0
President Benigno Aquino III (FILE PHOTO by: Rey Baniquet / Malacañang Photo Bureau / PCOO)

President Benigno Aquino III (FILE PHOTO by: Rey Baniquet / Malacañang Photo Bureau / PCOO)

MANILA, Philippines — Kaliwat kanang batikos ang inabot ng panukala ni Eastern Samar Representative Ben Evardone na bigyan ng “emergency powers” si Pangulong Benigno Aquino III upang masolusyunan umano ang pagtaas ng singil sa kuryente.

Ayon kay Bayan Muna Party-list Representative Neri Colmenares, hindi makatutulong ang pagbibigay ng emergency powers upang mapababa ang singil sa kuryente bagkus ay magdudulot lamang ito ng mas malaking problema.

Inihalimbawa nito ang sitwasyon noon sa administrasyon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos na binigyan ng emergency powers ng kongreso.

Ayon sa mambabatas, noon ay nakapasok ang mga independent power producers o IPP at nagtayo ng mga power plant.

Inaprubahan din aniya ni Ramos ang isang kontrata na bibili ng kuryente ang gobyerno sa mga nasabing power producer at nagresulta umano sa pagbabayad ng mga consumer sa mga hindi magamit na kuryente.

Para naman kay ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, bina-blackmail umano ng MERALCO ang publiko sa pahayag nitong posibleng magkaroon ng blackout matapos ipahinto ng Korte Suprema ang dagdag singil sa kuryente.

Samantala, dumistansya naman ang Malakanyang sa nasabing usapin.

Sa naging pahayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma, sinabi nito na hindi pa tinatalakay ni Pangulong Aquino sa kanyang mga gabinete ang nasabing usapin.

Aniya, sa kasalukuyan ay ang focus ng Pangulo ay ang makahanap ng solusyon upang mabawasan ang pasanin ng publiko sa nakaambang pagtaas ng singil sa kuryente. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481