ILOILO CITY, Philippines — Pinangangambahan ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Iloilo ang pagkakaroon ng oil spill sa lugar kung saan lumubog ang cargo ship na MV Sportivo.
Madaling araw kahapon, Linggo nang bumangga ang nasabing barko sa isa pang cargo vessel na MV Jehan-5.
Ayon sa PCG, napag-alamang papunta sana ng Palawan ang MV Sportivo dala ang 28-libong sako ng fertilizer nang tangayin ito ng malakas na hangin at alon.
Sa sobrang lakas umano ng current, natanggal ang kanilang angkla at bumangga sa isa pang barko.
Nabutas ang harapang bahagi ng MV Sportivo na naging dahilan ng paglubog nito.
Ligtas naman ang 29 nitong crew na agad na-rescue ng mga awtoridad; wala ring napaulat na lubhang nasugatan o nasawi sa insidente.
Sa ngayon ay nakikipagugnayan na ang Philippine Coast Guard sa may-ari ng naturang cargo ship para sa clearing operation upang maagapan ang posibilidad ng oil spill. (Charles Celeste / Ruth Navales, UNTV News)