Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Colmenares at Zarate, kakatawan sa mga petitioner sa oral arguments sa power rate hike

$
0
0
FILE PHOTO: (L-R) Rep. Neri Colmenares and Rep. Carlos Zarate (UNTV News)

FILE PHOTO: (L-R) Bayan Muna Partylists Representatives Neri Colmenares and Carlos Zarate (UNTV News)

MANILA, Philippines — Handa na ang Makabayan bloc sa isasagawang oral arguments sa Korte Suprema, alas-2 ng hapon, Martes.

Sina Bayan Muna Party-list Representatives Neri Colmenares at Carlos Zarate ang maglalahad ng mga argumento ng mga petitioner laban sa pagtaas sa singil sa kuryente ng MERALCO.

Partikular dito ay kung bakit nararapat ipawalang-bisa ng Supreme Court ang mahigit apat na piso per kilowatt hour na pagtaas sa generation charge.

Kabilang sa mga tatalakayin ang tatlong mahahalagang isyu sa mga petisyon.

Una, ay kung inabuso nga ng Energy Regulatory Commission o ERC ang kapangyarihan nito nang aprubahan ang dagdag-singil ng MERALCO. Pangalawa, ay kung tama ba ang otomatikong adjustment sa presyo ng kuryente. At pangatlo ay kung hindi ba public utilities ang generation sector kaya’t walang kapangyarihan ang ERC na manduhan ang presyo na sinisingil ng mga power generator.

Samantala, nagprotesta naman sa harap ng Korte Suprema kanina ang iba’t ibang grupo na tumututol sa pagtaas sa singil sa kuryente.

Panawagan ng NAGKAISA Labor Coalition sa mga mahistrado na wakasan na ang umano’y pandaraya sa taong-bayan ng mga power company.

“Mula nang maisabatas ang EPIRA noong 2001, ang power industry natin ang siya nang naging pinakamadaya na industriya sa ating bansa at ipinapakita ito noon ng ating pinakamataas na bill na binabayaran natin sa kuryente,” pahayag ni Wilson Fortaleza, NAGKAISA Labor Coalition.

Nanawagan naman ang Anakpawis Party-list sa mga consumer na bantayan ang isasagawang oral arguments bukas at ang ilalabas na desisyon ng Korte Suprema.

Magdaraos din ng isang vigil ngayong gabi ang grupo at itutuloy bukas ang kanilang protesta. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481