MANILA, Philippines – Binalaan ni Senador Antonio Trillanes IV ang Manila Electric Company sa nakaambang panibagong dagdag-singil sa kuryente ngayong buwan ng Enero.
Ayon sa senador, posibleng mag-alsa na ang mga consumer sa bigat ng bayarin sa kuryente na maaaring mauwi sa kaguluhan at pag-take-over ng gobyerno sa Meralco.
Base sa computation ng Meralco, papalo na sa mahigit sampung piso kada kilowatt hour (kWh) ang generation charge ngayong buwan. Mas mataas ito ng limang piso sa generation charge nitong Nobyembre at mas mataas pa sa singil na pansamantalang pinigil ng Korte Suprema.
Pahayag ni Trillanes, “Do not underestimate the wrath of the people. Alam niyo noong martial law tinake over ang Meralco kasi probably because ganito rin eh. Baka dumating tayo sa ganun.”
“Kasi imagine-in niyo, P10 yan o na next na itataas niyan, kayo rin ang tatamaan niyan. ‘Pag nagalit ang taumbayan, at automatic mapi-pressure ang policy makers, they may do something drastic,” pahayag pa ng senador.
Ipinasa naman ng Meralco ang sisi sa mga power generation company.
Ayon kay Meralco President Oscar Reyes, mas marami umanong mga power plants ang nagsara nitong nakaraang Disyembre kaya asahang mas tataas pa ang generation charge.
“Ito po ang spike noong December at January ay sa tingin namin aberration po ito dahil nagkaroon ng sabay-sabay na pag shutdown ng major base load power plants in addition to Malampaya.”
Sagot naman ni Trillanes, dapat ay naghahanap din ng ibang paraan ang Meralco kung paano ito maiiwasan at hindi basta na lamang ipapasa sa mga consumer ang dagdag na bayarin.
“Sinasabi ko lang magkaroon kayo ng konsensiya, alam niyo ang pwede niyong gawin to reduce the prices,” anang senador. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)