MANILA, Philippines — Pag-aaralan pa ng Department of Justice (DOJ) kung dapat ding imbestigahan si dating senador Ramon Revilla Senior na umano’y nakipag-transaksyon din noon sa umano’y utak ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles batay sa naging pahayag ni Atty. Levito, abogado ng whistleblower na si Benhur Luy.
Ayon kay Justice Secretary Leila De Lima, sa ngayon ay nanatiling pahayag pa lamang ito at wala pa siyang hawak na sworn statement mula kay Luy.
“If Benhur Luy or any other would submit affidavit and then pag-aaralan yun, and I will refer that to NBI team and secure supporting documents.”
Sa ngayon ay nakatuon ang imbestigasyon ng Department of Justice at ng National Bureau of Investigation sa taong 2007 hanggang 2009.
Ani De Lima, “So the moment na magkausap kami, I will ask them, ipu-pursue ba nila yun? Because of course kapag may ebidensya at may sworn statement, we have no choice but to pursue that.”
Ayon pa sa Kalihim, kung magkakaroon ng sapat na basehan, posibleng ibigay sa NBI Special Task Force ang imbestigasyon. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)