TACLOBAN CITY, Philippines – Kasunod ng pagbisita ni U.S. Senator Marco Rubio noong nakaraang linggo, bumisita rin sa mga lugar na tinamaan ng Bagyong Yolanda sa Leyte ang hari ng Sweden na si King Carl XVI Gustaf.
Linggo ng umaga nang dumating sa Tacloban City ang hari ng Sweden kasama si Vice President Jejomar Binay at mga kinatawan ng World Organization of the Scout Movement (WOSM).
Layon ng pagbisita ng hari ang mag-abot ng tulong at inspeksyunin ang mga proyekto na may kinalaman sa boy scouts bilang Honorary Chairman of the World Scout Foundation.
Sa tala ng BSP Leyte, aabot sa halos 300 boy scouts at 18 volunteer teachers ang nasawi noong kasagsagan ng Bagyong Yolanda.
Unang binisita ng hari ang San Jose National High School, sunod ang boys scout monument ng Tacloban kung saan nagkaroon ng flag raising.
Nagpakuha rin ito ng litrato kasama ang mga guro at estudyante ng San Fernando Elementary School.
Kabilang rin sa binisita ni King Carl ang building ng BSP Leyte na kasama sa mga nasira ng bagyo.
Nilibot din ng hari ang Anibong area sa Tacloban City kung saan may walong barkong sumadsad na sumira at kumitil ng maraming buhay sa nasabing barangay.
Sa talumpati ng Swedish King, nakiramay at nakidalamhati ito sa lahat ng mga biktima ng trahedya.
“I’ve heard and I’ve seen the terrible thing and I’m sad about the local people what they have lost families and property and I’m looking forward to see how everybody together to start to build up to your city and your society in this area and I wish all the best of the people here.”
Kasabay nito, tiniyak rin ni King Carl ang pag-aabot ng tulong sa rehabilitasyon at pagbibigay ng panibagong buhay at pagasa sa mga kabataan sa Leyte upang agad makabangon mula sa kalamidad.
“Everybody wants to the outmost to help those poor people who have been terrible difficult stack by this storm and hurricane so it is understanding under the circumstances to do what we can do and even we can do everything can do and everybody can help to do something.” (Jenelyn Gaquit / Ruth Navales, UNTV News)