MANILA, Philippines — Dapat pa ring desisyunan ng Korte Suprema ang legalidad ng Disbursement Acceleration Program (DAP) ayon sa mga petitioner nito matapos sabihin ng abogado ng gobyerno na hindi na ito umiiral sa ngayon.
Sa kanyang oral arguments sa Korte Suprema nitong Martes, sinabi ni Solicitor General Francis Jardeleza na itinigil na ng gobyerno ang paggamit sa DAP.
Dahil dito, mooted na umano at wala nang saysay ang mga petisyon kaya’t dapat na itong i-dismiss ng Korte Suprema.
“Hindi na nga nagagamit, so magiging argumento namin na wala nang basehan itong mga petisyon na mga inihain,” pahayag nito.
Ngunit ayon sa mga petitioner, dapat pa ring resolbahin ng korte ang isyu kung labag nga ba sa saligang-batas ang DAP.
“That doesn’t make the issue of constitutionality of DAP na hindi i-resolve ng Supreme Court,” pahayag ng petitioner na si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate.
Dagdag pa nito, “Kahit sinasabi ng executive na wala na yung DAP, dapat meron pa ring ruling dahil this is not only for this president. Kahit sabihin pa nila na anghel naman itong presidenteng ito, ginamit namin yung DAP, na-spur ang economy, but what about in the future.”
Ayon naman sa isa pang petitioner na si 2013 Senatorial election candidate Greco Belgica, “The illegal act has already been committed. So regardless na existing pa ngayon or tinanggal na nila, but the act has already been committed. So it is the act that is under consideration. Pangalawa, who will say na hindi mo na gagawin? ikaw din na gumawa? so dapat ma-rule-an.”
Itutuloy ang oral arguments sa February 18 at nakatakda namang maglahad ng kanilang argumento ang Senado at Kamara. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)