MANILA, Philippines – Posibleng magkaroon ng kakulangan sa supply ng mantika sa bansa dahil sa pinsalang idinulot ng Bagyong Yolanda sa agrikultura.
Sa isang panayam ng UNTV, inihayag ni Agriculture Secretary Proceso Alcala na milyun-milyong mga puno ng niyog sa Visayas ang bumagsak sa paghagupit ng bagyo noong nakaraang taon.
Ayon sa kalihim, “Kasi po pag masyadong malaki ang tightness, may adjustment pong pwedeng gawin ang sa mga coco firm natin. Pwede silang magconvert ng kanilang… instead na mag-export lang sila ng crude coco oil, mag-re-refine po sila into cooking oil.”
Sa kabila nito, sinabi ni Alcala na pag-aaralan pa ng kagawaran kung kinakailangang umangkat ng mantika partikular ang palm oil at coconut oil mula sa ibang bansa.
Aniya, tinitingnan na rin ng DA at Philippine Coconut Authority (PCA) ang ibang produkto mula sa niyog bukod sa crude coconut oil, gayundin ang mga paraan kung papaano makakakuha ng mantika mula sa ibang puno.
Nananawagan naman si Alcala sa publiko na huwag mag-alala dahil ginagawan na ng paraan ng gobyerno ang kakulangan sa supply ng mantika sa bansa.
“Wag po kayong mag-alala. aayusin po natin yan kung may-tightness man po maaaring tumaas ng kaunti… at the end of the day, yan pong coco oil, nag-a-adjust po on its own. If ever na may kakulangan, binibili rin po ng mas mataas ng ating mamimili sa Europa at Amerika,” anang kalihim.
Samantala, patuloy ang pagsasagawa ng DA ng mga programa sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda, lalung lalo na sa mga may coconut plantation.
Ayon kay Alcala, “Yung mga natira po, ife-fertilize natin, kesa na maghintay tayo ng dalawang taon, maybe after a year napapakinabangan na. Yung bumagsak na, pinagagayad po natin, panggamit sa mga bahay. at nagpapatanim na rin po tayo… especially that we have to prepare po sa climate change.” (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)