MANILA, Philippines — Muling tatangkaing isulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang gawing legal ang paggamit ng marijuana sa bansa.
Ayon kay Isabela Representative Rodolfo Albano, sinisimulan na niya ang drafting ng panukalang batas at ihahain niya ito sa susunod na buwan.
Sa kanyang panukala, ili-legalized ang paggamit ng marijuana sa bansa bilang isang gamot.
Ilang pagaaral na ang nagpapakita na nakagagaling ng ibat-ibang sakit ang marijuana bilang alternative medicine.
Subalit nahihirapan ang mga pasyente na makakuha nito dahil mahigpit itong ipinagbabawal ng batas.
Binigyang diin naman ni Albano na hindi kasama rito ang pagsasalegal ng paggamit ng marijuana sa maling paraan.
Aniya, hindi niya ito isusulong upang maging malaya ang ilan na gumamit nito.
Ayon naman kay ANG NARS Party-List Representative Leah Paquiz, dapat munang masusing pag-aralan kung talagang makatutulong ang marijuana (cannabis sativa) sa mga kababayan nating may sakit.
Dapat din aniyang tiyakin na hindi ito pagkakitaan ng masasamang loob. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)