MANILA, Philippines – Umaasa si dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada na magtatagumpay ang pamahalaang Aquino sa isinusulong nitong peace process sa Mindanao matapos malagdaan noong Sabado sa Kuala Lumpur, Malaysia ang ika-apat na annex ng Bangsamoro peace deal.
Sinabi ng dating pangulo na sana’y magtagumpay ngayon si Pangulong Aquino matapos ang apat na dekada ng pag-uusap ng magkabilang panig.
“So I hope this settlement, this special agreement that they have done with the MILF, I hope it will be successful.”
Nauna rito, nagpahayag ng pangamba si Estrada na baka matulad ang planong Bangsamoro entity sa umano’y nabigong Autonomous Region of Muslim Mindanao o ARMM.
Una nang sinabi ng mayor ng Maynila na ang lilikhaing sub-state ay hindi naiiba sa Bangsamoro juridical entity na nakapaloob sa Memorandum of Agreement on Ancestral Domain o MOA-AD na idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema.
“I don’t like to comment anymore and anything because when I was a president, I have different policy, see? So let’s just hope and pray that this administration will be successful,” saad ng dating pangulo.
Sa kanyang administrasyon, naglunsad si Estrada ng all out war laban sa MILF noong taong 2000.
Bilang commander in chief, inilagay nito ang kanyang seat of power sa Camp Abubakar sa Central Mindanao.
Ginamit nito ang buong puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagresulta sa pagkubkob sa 49 kampo ng mga rebeldeng grupo.
Subalit ang labanan ay nagpatuloy pa rin sa southern Philippines.
Ani Estrada, “Hayaan mo na lang yung national, sila na ang bahala dun, I’m a local official now, so I just wish them all the luck that they all be successful.” (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)