MANILA, Philippines — Mas paiigtingin ng PNP Human Rights Affairs Office (HRAO) ang pagmo-monitor sa mga detention cell sa bansa upang maiwasan ang pangaabuso ng mga pulis sa mga detainee.
Kasunod ito ng pagkakabunyag sa umano’y pag-torture ng mga pulis sa mga detainee ng provincial intelligence branch sa Laguna.
Ayon kay Police Chief Superintendent Prudencio Tom Bañas, hepe ng PNP Human Rights Affairs Office, magsasagawa sila ng mas madalas na surprise inspection sa mga kulungan sa bansa upang mamonitor ang aktibidad ng mga pulis at kalagayan ng mga bilanggo.
“Continuing yung our efforts to monitor yung mga lock up cells at do un-announce inspections together with the Commission on Human Rights.”
Sinabi pa nito na oobligahin din nila ang mga opisyal sa bawat police stations na magsumite ng report sa sitwasyon ng mga detainee sa kanilang nasasakupan.
“Yung mga commanding officers, provincial directors, chief of police are required to submit a compliance which we compile and submit to the Commission on Human Rights,” saad pa ni Bañas.
Samantala, tiniyak ng heneral na kung mapatutunayang nagkasala ay mahaharap sa kasong administratibo at kriminal ang mga sangkot na pulis.
“Definitely they will be facing administrative charges, ongoing na po yung pre-charge evaluation and investigation taking care by IAS and they are not exempted in criminal liability na isasampa ng mga relatives,” dagdag pa ni Bañas. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)