MANILA, Philippines – Sa loob ng dalawang taon, apat na libong sundalo ang kakailanganin ng Philippine Navy upang punan ang mga kailangan nitong tauhan.
Ngayong taon, 100 opisyal at 1,900 enlisted personnel ang kukunin ng Navy. Parehong bilang din ang kailangan sa para sa taong 2015.
Ang naturang bilang ay mataas kumpara sa 500 na taunang nire-recruit ng hukbong dagat.
Ayon kay Lt. Cmdr. Gregory Fabic, tagapagsalita ng Philippine Navy, ang hakbang ay bahagi na rin ng sinisimulang pagtutok ng militar sa territorial defense o pagbabantay sa teritoryo ng Pilipinas.
“Part of campaign to gradually shift from internal security operation to territorial defense so upgrading the Navy.”
Dagdag pa nito, “These are due to request of our naval operating forces and preparing for upcoming vessels in the navy.”
Ayon kay AFP Spokesman Maj. Gen. Domingo Tutaan, parte na ng kanilang paghahanda sa pagbabantay sa soberenya ng bansa ang pagdadagdag ng tauhan bukod sa mga bagong gamit.
“Re-structure probably structure present units and come up with additional units.”
Simula ngayong buwan ay iikot na ang mobile recruitment team ng Philippine Navy sa mga operational commands ng hukbong dagat.
Ang aplikante sa pagka-opisyal ay dapat graduate ng baccalaureate degree course, edad 21-28 years old at physically and mentally fit para sa training.
Ang papasok na enlisted personnel ay dapat may 72 units sa kolehiyo o graduate ng 2 year vocational course at umeedad ng 18-23 years old.
Magdala lamang ng transcript of records, NSO birth certificate, NBI clearance at 2×2 picture.
Ang bagong opisyal ay may starting salary na P29,000 habang ang bagong sailor ay P15,000 bukod pa ang mga benepisyo.
Para sa iba pang detalye ng recruitment at iba pang careers sa Philippine Navy, maari po kayong bumisita sa >>> http://www.navy.mil.ph/careers.php
Samantala, bukod sa dalawang bagong frigate na bibilhin ng Navy, dalawa pang malalaking bagong barko o strategic sealift vessels ang parating sa Navy.
Ani Fabic, “Accommodate a marine 500 multipurpose vessel, pwede medical ship it can house amphibious assault vehicle ship to shore movement. It can house 1 helicopter.”
Mataas naman ngayon ang morale ng Philippine Navy dahil sa mga bagong gamit na nadagdag sa kanila. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)