Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Mga kasong isasampa kay Davidson Bangayan aka David Tan, pinag-aaralan pa ng BOC

$
0
0

(Left-Right) David Bangayan AKA David Tan; Bureau of Customs Commissioner John Sevilla (UNTV News)

MANILA, Philippines – Sa kabila ng naging pahayag ng ilang senador na may sapat ng basehan upang kasuhan ng smuggling ang negosyanteng si Davidson Bangayan alyas David Tan, sinabi ngayon ng Bureau of Customs (BOC) na wala pa itong nakikitang kaso na maisasampa laban sa hinihinalang big-time rice smuggler.

Ayon kay Customs Commissioner John Sevilla, pinag-aaralan pa nila kung may nalabag na batas si Bangayan sa paggamit nito ng mga kooperatiba upang makapag-import ng bigas.

“Kung i-grant natin na siya ang financier, we have to see, did he violate customs law. I’m sure well mukhang maraming convinced… may violations of law involved. Pero magpa-file lang kami kung ang na-violate ay ang Customs Law.”

Ayon pa kay Sevilla, ang mga consignee lamang o ang pinadalhan ng bigas ang may pananagutan kapag inuulit-ulit o nire-recycle ang paggamit ng import permits.

Wala umanong record ang BOC na naging consignee ng bigas si Davidson Bangayan o David Tan.

“Kung ni-recycle ang import permits, then violation po yun ng Customs Law pero ang guilty dyan ay ang consignee.”

Samantala, sinampahan naman ng reklamong smuggling ng Bureau of Customs ang anim na opisyal ng San Carlos Multi-Purpose Cooperative, isang kooperatiba ng mga magsasaka, dahil sa illegal na importasyon ng bigas na nagkakahalaga ng 34-milyong piso.

Ayon sa BOC, mis-declared ang dami ng inimport na bigas at ang lugar na pinanggalingan nito.

Wala ring pahintulot ang importasyon dahil ang National Food Authority (NFA) lamang ang pinapayagang umangkat ng bigas mula sa Vietnam.

Nitong nakaraang taon, 22 smuggling complaints na may kinalaman sa rice-smuggling ang isinampa ng Bureau of Customs.

Umabot naman sa 1.2 billion pesos ang halaga ng mga smuggled na bigas na nakumpiska nitong nakalipas na taon.

“Wag nating kakalimutan that every incidence of smuggling of rice, ang nasasaktan talaga dito ang mga magbubukid ng Pilipinas.”

Dagdag pa ni Sevilla, “Ang appeal po namin ay paki-aksyunan na ito sa lalong madaling panahon. Hindi lang po si Vhong Navarro ang nangangailangan ng katarungan, ang magsasaka po ng Pilipinas ay nangangailangan po ng katarungan.”

Sinabi pa ng Customs Commissioner na mas malaking hamon sa kanilang paglaban sa rice smuggling ang mga TRO na inilalabas ng mga korte laban sa kanila kaugnay ng kinukumpiska nilang mga smuggled na bigas.

Sa ngayon ay mayroon umanong limang TRO sa kanila ang mga korte mula sa Maynila, Davao City at Batangas. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481