MANILA, Philippines — Uumpisahan na ng University of the Philippines (UP) at Ateneo de Manila University ang pagsisimula ng klase sa buwan ng Agosto.
Sa post mula sa Facebook page ng Philippine Collegian, opisyal na pahayagan ng University of the Philippines – Diliman Campus, nakasaad dito na sisimulan na ngayong Agosto hanggang Disyembre ang unang semester ng bago nilang academic calendar, habang ang ikalawang semestre ay magsisimula sa Enero hanggang Marso.
Ang bagong academic calendar ay epektibo sa mga campus ng University of the Philippines maliban sa Diliman campus dahil sa pagtutol ng ilang sektor.
Inanunsyo naman ng Ateneo de Manila University na simula taong 2015 ay ipatutupad na rin nito ang bagong academic calendar.
Batay sa isang tweet ng opisyal na twitter account ng Ateneo, nakasaad dito ang magiging pagbabago sa pagsisimula ng klase kabilang na ang Loyola School at professional schools ng Ateneo.
Mananatili naman ang skedyul ng grade school at high school ng Ateneo sa buwan ng Hunyo hanggang Marso.
Samantala, itinakda ng Department of Education (DepED) sa Marso 27- 28 ang graduation dates sa lahat ng mga pampublikong paaralan para sa elementary at high school. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)