MANILA, Philippines — Opisyal nang ipinakilala nitong Martes ang sampung koponan na kalahok sa ikalawang yugto ng UNTV Cup (Ang Bagong Game Ko) sa Smart Araneta Coliseum, Quezon City.
Kabilang sa mga magtatagisan sa hard court ang Team Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Department of Justice (DOJ), Supreme Court (SC), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philhealth, House of Representatives, Senate, LGU’s at team Malacanang.
Round robin eliminations ang sistema ng laro, subalit sa pagkakataong ito ay hahatiin ang sampung koponan sa dalawang grupo. Ibig sabihin, makakalaban ng bawat koponan ang lahat ng teams sa grupo na kanilang kinabibilangan, at kung sino ang Top 4 ay siyang makakasama sa playoffs sa semi final round.
Ang Top 2 teams ang siyang maglalaban sa kampeonato ng UNTV Cup.
Bawat koponan ay may tigda-dalawang imports na mismong sila ang pumili.
Senate Defenders, tinalo ang House of Representatives sa score na 83-74
Samantala, sa pagbubukas ng palaro, pinalad na mapiling magharap sa unang pagkakataon ang Team Senate at Team House of Representatives para sa first official game ng torneo.
Unang pumukol ng score ang House of Representatives Solons sa pamamagitan ng three point shot ni Congressman Niel Tupas na agad ring tinapatan ng tres ni Senator Sonny Angara.
Tabla sa score na 20 ang first quarter.
Nagpakita ng triangle offense ang Senate Defenders na sinundan pa ng magagandang assist.
Nagpatuloy sa outside shooting si Tupas upang iabante ng isang puntos ang first half, 42-41.
Sa 3rd quarter, umangat pa sa 4 points ang kalamangan ng Solons sa tulong ng guest player nito na si former PBA star Arnold Gamboa, ngunit hinabol ito ng Defenders sa pangunguna ng kanilang mga import na sina ex-PBA players Kenneth Duremdes at Zaldy Realubit.
Hindi naman natinag ang Solon captain ball na si Congresman Tupas upang bantayan at lusutan ang mga ex-PBA star ng Senado.
Gayunpaman, dahil sa ipinakitang epektibong steals at assist nina Senator Angara, umabante pa rin ang Defenders sa score na 55-62.
Nagtala si Kenneth “Captain Marvel” Duremdes ng kabuoang 36 points, 8 assist, at 3 steal upang hiranging player of the game.
“Maganda sa team ko na kay Senator Sonny is he works hard during our practices. He wants to win, yun ang maganda sa attitude nya. Malaking factor din yung crowd, so much fun playing again of this huge crowd at yun ang namimiss ko during my playing years. Back to Big Dome,” masayang pahayag ni Duremdes.
“Palagay ko gaganda pa yung teamwork at hopefully mabigyan ng magagandang laro yun iba pang koponan. Nung una nangangapa pa kami pero andyan yung kakampi namin na magagaling so nag-gel kami bonding second to third quarter,” saad naman ni Sen. Sonny Angara, ang Captain Ball ng Team Senate.
Highest pointer naman ang perimeter shooter ng Iloilo na si Tupas na nagtala ng 22 points at 3 assist.
“Yun talaga ang laro natin as shooting guard. Alam mo naman ang UNTV Cup ay very prestigious cup at naghanda tayo, nag-ensayo tayo kaya laban tayo. We did our best pero siguro mas magaling lang ang senado ngayong gabi,” ani Tupas. (Mon Jocson / Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)