MANILA, Philippines – Nasa Malaysia na si Pangulong Benigno Aquino III para sa dalawang araw na state visit sa bansa.
Ito ang kauna-unahang pagbisita ng Pangulo sa imbitasyon ng hari at prime minister ng Malaysia.
Pasados alas-3 ng hapon nang lumapag sa Kuala Lumpur International Airport ang Philippine Airlines Flight PR001 lulan si Pangulong Aquino at ang kanyang delegasyon.
Kasama ng pangulo sa kanyang biyahe sina Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario, Finance Secretary Cesar Purisima, Trade Secretary Gregory Domingo, Cabinet Secretary Jose Rene Almendras, Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Deles, Press Secretary Herminio Coloma, Presidential Management Staff Chief Julia Andrea Abad, Mindanao Development Authority Chairperson Luwalhati Antonino, at Presidential Protocol Chief Celia Anna Feria.
Sinalubong ang pangulo nina Philippine Ambassador to Malaysia Jose Eduardo Malaya III, Foreign Minister of Malaysia Dato Sri Anifah Bin Haji Aman, at Malaysian Ambassador to the Philippines Dato’ Mohd Zamri Bin Mohd Kassim.
Matapos ang arrival ceremony ng pangulo, agad itong nagtungo sa Middle Ring Road 2 Saleyang station at pinangunahan ang inagurasyon ng Petron station.
Ayon kay Ambassador Malaya, layunin ng state visit ng pangulo na palakasin ang samahan ng dalawang bansa sa pamamagitan ng trade and investments at sa pagpapaunlad ng kultura at edukasyon sa Mindanao.
“Madami pong mga Malaysian companies na nag-express ng interest na mag-invest sa Mindanao. In fact, right after the signing of the Framework of Agreement of the Bangsamoro, kami po ay mga sinamahan na mga thirteen companies na pumunta sa Cotabato City.”
Ang Malaysia ay isa sa mga major trading partner ng Pilipinas at tinatayang aabot sa $2 billion ang investment nito sa Pilipinas.
Kabilang rin ang Malaysia sa mga major tourist market ng Pilipinas.
Aabot sa mahigit isang daang libong turista mula sa Malaysia ang bumibisita sa Pilipinas.
Samantala, kabilang sa mga inaabangan sa state visit ng pangulo ay ang pagsusulong sa peace process ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Una nang sinabi ng pangulo na hindi kasama sa mga paguusapan ang territorial dispute sa Lahad Datu, Sabah na naging kontrobersyal noong nakaraang taon dahil sa nangyaring standoff sa pagitan ng mga Malaysian police at mga tagasunod ni Datu Jamalul Kiram III. (Aga Caacbay / Ruth Navales, UNTV News)