MANILA, Philippines – Naaalarma ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa pagtaas ng bilang ng mga pulis na hindi nagbibigay ng suporta o nagpapabaya sa pamilya.
Ayon kay Women and Children Protection Center Chief Sr. Supt. Juanita Nebran, halos nadoble ang bilang ng mga pulis na inirereklamo ng abandonment at non-support ng kanilang pamilya sa buong bansa.
Base sa kanilang tala, umakyat sa 542 ang bilang nito noong 2013, kumpara sa 327 noong 2012.
“Lalabas talaga diyan na insufficient kasi sa pay slip ng isang pulis ay makikita talaga yun, hindi naman talaga pwede pilitin kasi yun lang ang sweldo nya.”
Dagdag pa ni Nebran, “Once na hindi ma-settle, i-elevate namin doon for administrative sanction sa PCID.”
Kaugnay nito, naglabas ng memorandum si PNP Chief Director General Alan Purisima upang magsagawa ng pastoral visitation sa bawat istasyon ng pulis.
Ayon kay P/Supt. Lucio Rosaroso, acting Chief Directorial Staff ng PNP, kakausapin ng mga chaplain ang mga pulis na pinababayaan ang kanilang mga pamilya.
“All the chaplain nationwide will reach out, will go to the offices, will go to the station and conduct one on one counseling to the pnp personnel.”
Saad pa nito, “We should intensify our efforts in addressing this problems especially itong moral and spiritual problems ng ating PNP personnel.”
Sinabi pa ni Rosaroso na importanteng magabayan ang mga pulis na mayroong problema sa pamilya dahil malaki ang nagiging epekto nito sa kanilang trabaho.
“Nakita po natin na pag may problema yung pulis sa family ay naaapektuhan yung trabaho that is why we have to address the family relationship between the police officer to his /her spouse, yung problema sa anak so yun ang target namin.”
Nagbabala din ang pambansang pulisya na maaaring maharap sa kasong administratibo ang mga pulis na tuluyang magpapabaya sa pamilya dahil sa paglabag sa Republic Act 9262 o Violence Against Women’s and Children. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)