MANILA, Philippines – Isinumite sa Office of the President ang panibagong reklamo laban kay Energy Regulatory Commission Chairperson Zenaida Ducut.
Labinlimang lider mula sa iba’t ibang sektor ang lumagda sa complaint affidavit na kinabibilangan ng iba’t ibang neighborhood organization at mga samahan.
Nakasaad sa reklamo ang gross neglect of duty ni Ducut nang payagan umano nito ang big time rate hike ng Meralco.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hindi muna sila magbibigay ng komento sa panibagong reklamo kay Ducut.
“Wala munang komento ngayon at idadaan ito sa tamang proseso, katulad ng unang reklamong isinampa laban sa kanya,” saad ni Valte.
Nitong Enero ay nagsumite rin ng katulad na reklamo laban kay Ducut ang Akbayan sa Office of the President. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)