MANILA, Philippines – Nanindigan si dating Technology Resource Center Director General Dennis Cunanan na inosente siya sa umano’y anomalya sa pork barrel.
Sa pagdinig ng Senado nitong Huwebes, muli nitong itinanggi na tumanggap siya ng komisyon sa pork barrel mula kay Janet Lim-Napoles.
Sa testimonya ng pangunahing whistleblower na si Benhur Luy, kasama si Cunanan sa binigyan nila ng 10-percent na komisyon bilang implementing agency.
Depensa ni Cunanan, hindi siya ang pinuno ng Technology Resource Center nang mangyari ang anomalya.
“In the course of my actions, kung may natanggap po ako, hindi po siguro ako magbi-verify, magba-validate ng mga dokumento, kung may natanggap po ako.”
Ngunit nang usisahin ng mga senador ang pagpunta ni Cunanan sa opisina ni Napoles upang makipagpulong, dito na nagkaroon ng tila magkasalungat na pahayag sina Cunanan at Benhur Luy.
Pahayag ni Benhur, “Ms. Janet Napoles inform me to prepare, I remember the amount P960,000, na intended para sa kanya. So, prinepare ko yung money kung saan ko dinala in a paper bag. So I give it to Ms. Evelyn De Leon.
Ayon naman kay Senador Koko Pimentel, “Medyo nakakamislead kasi… “ang alam ko nakita kong tumanggap.” So medyo hindi accurate yung salitang yun, hindi mo nakita eh. Tama?
“After po ng ano po, the paper bag, pagkalabas po ng conference room, nakita ko siya bitbit niya,” sagot naman ni Benhur.
Tanong naman ni Pimentel, “So paano yun Mr. Cunanan. I was willing to give you the benefit of the doubt until yesterday.”
“No your honor, I stand by that situation. The fact na may lapse na ho dun sa time na binigay niya kay Evelyn at binigay niya sa akin, I don’t know what happen,” sagot naman ni Cunanan.
Samantala, pag-aaralan naman ni Justice Secretary De Lima ang tila magkakontrang pahayag ng dalawa, at aalamin kung may epekto ito sa testimonya ni Cunanan.
“It’s not as easy as that. I have to weigh things out.”
Dagdag pa ng kalihim, hindi pangunahing isyu dito ang pagtanggap ni Cunanan ng komisyon.
Aniya, “Ang pinaka-issue dito ay tungkol dun sa pangingialam ng mga senador doon sa mga PDAF nila, something na dini-deny nila dun sa kanilang counter affidavit na wala daw silang kinalaman sa choice ng NGOs.”
Para naman kay Senador TG Guingona, hindi pa nila masasabi sa ngayon kung nagsasabi ng katotohanan si Cunanan.
“Yung demeanor isa lang yun ano, kailangan ikumpara din natin sa testimonies ng whistleblowers in the past,” pahayag ng senador. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)