MANILA, Philippines — Tiniyak ni Justice Secretary Leila De Lima na ginagawa ng Office of the Ombudsman ang kanilang makakaya upang mapabilis ang imbestigasyon sa mga reklamong isinampa hinggil sa pork barrel scam.
Sa pagdinig ng Senado nitong Huwebes, sinabi ni De Lima na malapit na ang paglabas ng findings ng Ombudsman sa unang batch ng pork barrel-related complaints.
“They know what they are doing. We can trust them na tama ang magiging resolution nila. We can trust them na nagmamadali na rin sila.”
Ayon pa sa kalihim, nasa investigation stage na ang unang batch ng mga reklamo, habang nasa fact-finding stage ang pangalawa na isinasagawa ng Field Investigation Office (FIO).
Sa unang batch, tatlumpu’t walong indibidwal ang kabilang sa mga kinasuhan ng plunder o pandarambong kabilang dito sina Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada.
Tatlumpu’t apat naman ang kasama sa mga kinasuhan sa ikalawang batch.
“It’s now with the Ombudsman. Kami kasi, we feel that it’s our duty to really help the Ombudsman na ma-pursue ito lahat at maging successful ang prosecution,” anang Kalihim.
Sinabi pa ni De Lima na pitong testigo lamang sa ngayon ang hawak ng National Bureau of Investigation sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP) para sa naturang anomalya.
Ayon sa kalihim, sapat na ang nasabing mga testigo upang madiin ang mga idinadawit na mambabatas sa pork barrel scam. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)