MANILA, Philippines – Hindi kinatigan ng Court of Appeals (CA) ang petisyon para sa writ of habeas corpus ni Globe Asiatique founder Delfin Lee.
Sa walong pahinang resolusyon na inilabas nitong Huwebes ng CA special first division, sinabi ng korte na legal ang pag-aresto at pagkulong kay Delfin Lee.
Sinabi pa ng korte na wala nang basehan ang petisyon ni Lee dahil sa temporary restraining order na inilabas ng Korte Suprema nitong Miyerkules.
Ayon pa sa Court of Appeals, naging academic na ang pagtalakay sa isyu ng kung executory at effective ang kanilang desisyon noong November 7, 2013 na ginagamit na basehan ng kampo ni Lee sa pagsasabing ilegal ang naging pagaresto sa negosyante.
Bilang epekto ng desisyon ng CA, mananatili sa kulungan si Delfin Lee na nahaharap sa kasong syndicated estafa dahil sa mahigit anim na bilyong pisong anomalya sa pabahay sa Pampanga. (UNTV News)